Wednesday, August 1, 2012

Ang Paglilitis Ni Mang Serapio

Original Title: ANG PAGLILITIS NI MANG SERAPIO
International Title: THE TRIAL OF MR. SERAPIO

SYNOPSIS
A beggar is put to trial for taking an orphan girl under his wing. Paul Dumol's beloved classic one act play, considered by many as the first modernist play, may be more than 40 years old but in its inevitable transition to film in the hands one of its most ardent fans, filmmaker Khavn De La Cruz, its meditations on justice and equality remain disturbingly, eerily relevant.



Unang Tagapagtanong: (Sa Ikalawang Tagapagtanong) O, sige na.
Ikalawang Tagapagtanong: Sige. (Lalakad sila sa harap ng kanilang mesa)
Dalawang Tagapagtanong: (Sa mga manonood) Narito ho kayo upang panoorin ang isang paglilitis, dahila’y ang krimen ng isang pulubing huling- huli namin. Si Mang Serapiong pisak at surutin. (Tatakbo sila sa kanilang mesa.) Dalhin dito ang nasasakdal! Dalhin dito ang nasasakdal! Dalhin dito ang nasasakdal! Dalhin dito agad!
(Hahalakhak, hihiyaw, at papalakpak ang mga Pulubi. Hihilahin ng dalawang bantay si Mang Serapio sa gitna ng silid at iiwan doon. Katahimikan.)
Unang Tagapagtanong: Magandang gabi, ginoo.
Serapio: Magandang gabi rin ho. (Sandaling titigil) Mga ginoo –
Dalawang Tagapagtanong: Silencio!
Unang Tagapagtanong: Huwag kang magsalita habang kami’y nagsasalita.
Ikalawang Tagapagtanong: Bastos ang nagsasalita habang may nagsasalita pa.
Unang Tagapagtanong: (Sa mga manonood) Patawarin ho ninyo siya. Talagang ganyan ho ang waLang kapangyarihang tulad niya: mangmang, at yan nga ang suliranin ng mga may kapangyarihang, tulad namin.
Ikalawang Tagapagtanong: Tumindig ka nang matuwid!
Unang Tagapagtanong: Ba’t ka ba galaw nang galaw?

Serapio: Gusto ko lang malaman kung ano ang krimen ko. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Hindi mo ba alam?

Serapio: Hindi ho.
Unang Tagapagtanong: A, problema mo na ‘yon. (Sa mga manonood) Pag-aaruga ng bata ang krimen niya. (Biglang titindig ang tatlong saksi)
Tatlong saksi: Pag-aaruga, pag-aaruga, pag-aaruga ng bata.
Unang tagapagtanong: (Sa mga manonood) Krimen sapagkat ang pag-aaruga ng bata ay panunuksong gumasta.Samakatuwid nawawalan ng pera ang federacion. Nahuli siya ng tatlong kasapi nitong federacion. Narinig siyang nagsasalita sa anak niya at alam pa nila ang pangalan ng anak niya- Sol. Pormalidad na lamang itong paglilitis.

Hukom: Pormalidad na rin ho ang hatol ko.
Unang tagapagtanong: Ang parusa niya ay nais panoorin nitong mga pulubi. Siya’y bubulagin. (Bubungisngis at tatawa ang mga pulubi) Ginoong Serapio, mabuti ba’ng tulog mo?
Serapio: Oho.
Ikalawang Tagapagtanong: Nakakain ka na ba?
Serapio: Oho.
Unang tagapagtanong: Magaling! Handang-handa ka sa paglilitis mo. Ilang araw mo nan g suot ‘yang kamisedentro mo?
Ikalawang Tagapagtanong: Ikaw ba’y naghilamos na?
Unang Tagapagtanong: Naligo?
Ikalawang Tagapagtanong: Nagpunas man lang?
Unang Tagapagtanong: (Sa bantay) Na-spray mo na ba siya?
Hukom: (Pupukpukin nang dalawang beses ang kanyang podium) Ituloy ang paglilitis! (Sa mga manonood) Sa siyam na taon sa federaciong ito bilang hukom, wala pa akong nakikilalang tagapagtanong na kasindaldal nitong dalawa. (Pupukpukin nang dalawang beses ang kanyang podium) Ituloy ang paglilitis?
Unang Tagapagtanong: Bueno! Ginoong Serapio, sabihin mo sa amin- (Babatuhin si Serapio ng ikalawang tagapagtanong ng yeso o anumang maliit na bagay)
Ikalawang Tagapagtanong: Tumindig ka ng matuwid!
Unang Tagapagtanong: Sabihin mo sa amin ang pangalan mo.
Ikalawang tagapagtanong: Pangalan!
Serapio: Serapio, ho.
Unang Tagapagtanong: (Sa Ikalawang Tagapagtanong) Serapio.
Ikalawang tagapagtanong: Serapio?
Unang Tagapagtanong: Serapio?
Serapio: Ho?

Ikalawang tagapagtanong: Serapio?
Unang Tagapagtanong: Serapio?
Serapio: Ano ho?
Dalawang Tagapagtanong: Serapio ano?

Serapio: Serapio.

Unang Tagapagtanong: Serapio Serapio?

Serapio: A, hindi ho, Serapio lang.
Ikalawang tagapagtanong: (Habang sumusulat sa kwaderno) Serapio lang.

Unang Tagapagtanong: Ocupacion?

Ikalawang tagapagtanong: Ocupacion?

Serapio: Wala. Wala ho.

Unang Tagapagtanong: Ano, wala kang ocupacion?

Serapio: Wala ho.

Unang Tagapagtanong: Hindi ba isa kang pulubi?
Serapio: Oho.
Unang Tagapagtanong: Ocupacion mo ‘yon. (Susulat ang Ikalawang Tagapagtanong sa kwaderno) Classificacion.
Ikalawang tagapagtanong: Classificacion.

Serapio: Classificacion?
Dalawang Tagapagtanong: CLASSIFICACION!

Ikalawang tagapagtanong: Ano ang classificacion mo bilang pulubi? Nagmamakaawa o aliwan?

Unang Tagapagtanong: Pakunwari o karaniwan?
Ikalawang tagapagtanong: Ikaw ba’y nagrerenta?

Unang Tagapagtanong: Ng sanggol o bata?

Ikalawang Tagapagtanong: Upang akitin nga…

Unang Tagapagtanong: Ang luha ng madla?

Dalawang Tagapagtanong: ‘Yan ang uring nagmamakaawa.

Ikalawang Tagapagtanong: O tumutugtog ka ban g silindro o gitara, dram, o kahit na banda, o rondalla?

Unang Tagapagtanong: Kasama ng sayaw o kundi nama’y kanta nang madla’y maaliw at bigyan ka ng kwarta?
Dalawang Tagapagtanong: ‘Yan ang uring aliwan.

Unang Tagapagtanong: Maaari naman ding nagkukunwari ka, ika’y ipinaglihi sa isang palaka.
Ikalawang Tagapagtanong: O kung hindi naman ika’y isang palso, ngunit isang palsong palsipikado.
Dalawang Tagapagtanong: Pakunwaring bingi, bulag, pilay, pipi, madla’y madaya man ikaw nama’y yayaman. ‘yan ang uring pakunwari.
Ikalawang Tagapagtanong: Walang guni-guni ang nasa huling uri.
Unang Tagapagtanong: Mga tunay na pipi, bulag, pilay, bingi.
Dalawang Tagapagtanong: Walang guni-guni.

Unang Tagapagtanong: Wala ring salapi.

Dalawang Tagapagtanong: Talagang ganyan ang buhay ng nasa huling uri: ang uring karaniwan.
Unang Tagapagtanong: Alin ka sa apat? Nagmamakaawa o aliwan?

Ikalawang Tagapagtanong: Pakunwari o karaniwan? (Sandaling tigil)
Serapio: Ang huli ho. (Susulat ang ikalawang tagapagtanong sa kwaderno)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Hukom, ano ang gagawin namin ngayon?
Hukom: Patibayan na ninyo ang krimen niya. (Biglang tindig ang tatlong saksi)

Tatlong Saksi: (Sa mga manonood) Patibayan na ang krimen niya. Patibayan na ang krimen niya.
Dalawang Tagapagtanong: Bueno. Ginoong Serapio, may asawa ka na ba?

Ikalawang Tagapagtanong: Isang kabiyak?
Dalawang Tagapagtanong: Isang babaing bumahagi sa puso mo? (Sandaling tigil) Babaing nakasal sa harap ng altar, sa opisina ng gatpuno, o iba pang lugar. (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: O ano, Ginoong Serapio, sagutin mo ang tanong.
Ikalawang Tagapagtanong: Napakasimple.
Unang Tagapagtanong: May asawa ka ba? (Sandaling tigil)

Serapio: Wala ho.

Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, di ka dapat mahiya.

Ikalawang Tagapagtanong: Sabihin mo ang totoo.

Unang Tagapagtanong: May asawa ka ba?

Serapio: Wala ho. (Sandaling tigil)

Unang Tagapagtanong: Iibahin ko ang tanong. May asawa ka ba noon?
Dalawang Tagapagtanong: Asawa na ngayo’y nagsasaya sa bahay ng Diyos o bahay ng iba? (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: O ano? Malinaw na malinaw ang tanong ngayon. May asawa ka ba noon? (Katahimikan) Ginoong Serapio, nakapagtataka ‘yang katahimikan mo.

Ikalawang Tagapagtanong: May asawa ka ba noon? (Sandaling tigil)

Serapio: Oo.

Dalawang Tagapagtanong: Ayan!

Serapio: Ngunit siya’y patay na.

Unang Tagapagtanong: A, wala. Basta’t inamin mong may asawa ka na nga.

Hukom: (Pupukpukin ng Hukom ang podium niya ng dalawang beses) Magaling! (Sa mga manonood) Napakabilis ng aming mga paglilitis sapagkat lahat ng aming mga tagapagtanong ay matatalino at magagaling.

Mga Pulubi: (Biglang titindig ang mga pulubi’t papalakpak) Magagaling! Magagaling! Magagaling! (Yuyuko ang mga tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, nagkaroon ka ba ng anak?
Ikalawang Tagapagtanong: Buhat sa kasal na yaon?
Unang Tagapagtanong: Buhat sa inyong pagsasama?

Ikalawang Tagapagtanong: Buhat sa inyong pag-aasawa? (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, tahimik ka na naman.

Ikalawang Tagapagtanong: Wala kang sinasabi.

Unang Tagapagtanong: Wala kang imik.

Dalawang Tagapagtanong: Pasidhi nang pasidhi ang aming pananabik.
Unang Tagapagtanong: Nagkaroon ka ba ng anak? (Katahimikan)

Dalawang Tagapagtanong: Payat na payat, tuyung-tuyo pa. Walang alinlangang wala na siyang katas.

Ikalawang Tagapagtanong: Nagkaroon ka ba ng anak? (Lalapitan si Serapio ng Ikalawang Tagapagtanong)
Serapio: Ba’t ninyo tinatanong ‘yan?
Unang Tagapagtanong: Aba! Pilosopo!

Serapio: Ano ba ang krimen ko?

Dalawang Tagapagtanong: (Tatakbo ang dalawang tagapagtanong sa likod ng mesa) Ginoong Serapio!

Serapio: Patawarin ho ninyo ako ngunit -

Unang Tagapagtanong: Wala ka bang utak?

Ikalawang Tagapagtanong: Isip?

Unang Tagapagtanong: Katiting na katalinuhan? Tandaan mo kung sino ka!
Ikalawang Tagapagtanong: Isang pulubi.

Unang Tagapagtanong: Hamak.

Dalawang Tagapagtanong: Kulisap!

Unang Tagapagtanong: Sagutin mo ang tanong! Nagkaroon ka ba ng anak? (Sandaling tigil)

Serapio: Oho.
Dalawang Tagapagtanong: Ayos!

Unang Tagapagtanong: Ba’t di mo kaagad inamin na may anak ka nga?
Serapio: Ano ho ba ang krimen ko?
Ikalawang Tagapagtanong: Umupo ka. Malalaman mo rin. (Aakayin siya ng bantay sa kanyang upuan. Susulat ang Ikalawang tagapagtanong sa kwaderno.) (Sandaling tigil)

Unang Tagapagtanong: Ang pangalan ng anak mo ay Sol, hindi ba?

Serapio: Oho. Paano ninyo nalaman?

Unang Tagapagtanong: Marami kaming alam tungkol sa’yo. (Sandaling tigil)
Serapio: (Sa mga manonood) Yaon din ang pangalan ng namatay niyang ina- Sol, Consuelo. Namatay ang kanyang ina nang siya’y ipanganak. Ang aming unang anak at namatay pa ang ina, isang dalagang tahimik na may ngiting nagmumungkahi ng simoy at tubig ng batis. Ang pagpanaw niya’y pagsapit ng kalungkutan. Dalawang hiyaw ang tumaginting sa aming silid sa gabing yaon: ang aking hiyaw ng hapis ng pagkamatay ni Sol, at ang hiyaw ng takot na naisilang na Sol, na naging larawan ng kanyang ina: maputi, maitim ang mga mata, madalas na nakangiti, lundag nang lundag kapag inuwian mo ng kendi, matamis, at laruan. Sana’y nakita ninyo siya. At ang kanyang halakhak, ang kanyang halakhak.-,Sol, Sol.
Dalawang Tagapagtanong: Ano? Ano? Ano? Ano? Ano?

Unang Tagapagtanong: Ano ‘yang sinasabi mo?

Serapio: Wala. Wala ho.

Unang Tagapagtanong: Huwag ka nang umarte-arte pa.

Ikalawang Tagapagtanong: Basta’t inamin mong may anak ka.

Unang Tagapagtanong: Dadrama-drama ka pa riyan.

Ikalawang Tagapagtanong: Nais pang talunin ang radio. (May mga papel na ibinigay ang Unang Tagapagtanong sa Hukom)
Hukom: Ano? Tapos na ba ang paglilitis? (pPapalakpak nang dalawang beses ang Ikalawang Tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Oho. Inamin na niya na anak niya ‘yung “Sol” na ‘yun. (Ibibigay ng isang bantay sa Ikalawang Tagapagtanongang isang kahon)
Ikalawang Tagapagtanong: (Sa mga manonood) Ito ho ang kahon ng mga instrumentong ginagamit namin sa pagpaparusa sa mga kasapi. (Habang nagtatalumpati siya, maglalapg siya sa mesa ng martilyo, pait, malaking gunting, tinidor, bambo, at balarawna kukunin niya mula sa kahon) Kahangahanga itong federacion: ubod ng karunungan at pag-uunawa, sapagkat sa katotohanan ay pagkakawanggawa ang mga parusa. Halimbawa, ang pagpipi o ang pagpilay kaya. (Maglalapag siya ng bareta sa mesa) ipalagay nating bulag ang kriminal at nakikinabang dahil sa pagkabulag niya, hindi ba tataas pa ang kita niya kung pilay rin siya. Bulag na, pilay pa. At di lang siya ang makikinabang. Ang federacion din, sapagkat tataas ang kanyang abuloy sa federacion. ’Yan ang tinatawag kong maunawaing parusa: ang pinarurusahan at nagpaparusa ay kapwa nakikinabang. (maglalabas siya ngicepick) (Sa Unang Tagapagtanong): Ito ho ang icepick.

Unang Tagapagtanong: (Kay Serapio) Ano? Handa ka na ba?

Serapio: Para sa ano?

Ikalawang Tagapagtanong: Sa pagbulag.

Serapio: Ha?

Ikalawang Tagapagtanong: Sa pagbulag. Madali lang. Sanay na itong guwardiya.
Unang Tagapagtanong: Alam niya kung anong parte ng mata ang dapat unang turukin.

Serapio: Pagbulag?
Ikalawang Tagapagtanong: Huwag kang matakot.
Unang Tagapagtanong: Hindi ka matetetano.
Ikalawang Tagapagtanong: Sterilized itong icepick.
Unang Tagapagtanong: Dalhin nga ninyo siya rito. (Hihilahin ng mga bantay si Serpio)
Serapio: Ba’t ninyo ako bubulagin?
Unang Tagapagtanong: ‘Yan ang pamantayang parusa. (Tatangayin ng Ikalawang Tagapagtanong ang mga instrumento ng parusa, ang malaking aklat, at ang kwaderno. Malalaglag ang mga ito sa sahig.)
Serapio: Para sa ano?
Ikalawang Tagapagtanong: Para sa krimen mo.
Serapio: Krimen?
Unang Tagapagtanong: Huwag kang gumalaw masyado. (Bibigkasin nang sabay-sabay ang mga sumusunod na talumpati)
Serapio: Bitiwan n’yo ako! Bitiwan n’yo ako! Bitiwan n’yo ako! Nagsisinungaling kayo.
Unang Tagapagtanong: Huwag mo kaming pagbibintangan. (Bubuhatin si Serapio ng mga Bantay at ihihiga sa mesa. Hahawakan nila ang kanyang paa’t kamay. Sisigaw at papalakpak ang mga pulubi.) Hawakan mo ang kamay niya! Hawakan mo ang kamay niya!
Ikalawang Tagapagtanong: Ang ulo niya! Hawakan n’yo ang ulo niya!
Serapio: Ano ba ang krimen ko? (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ang ano?
Ikalawang Tagapagtanong: Ano?
Serapio: Ang krimen ko, ano ang krimen ko?

Unang Tagapagtanong: Relaks lang, relaks. (Mananahimik si Serapio) O, ano ang nais mong malaman?

Serapio: Ano ho ang krimen ko?
Unang Tagpagtanong: Ang krimen mo! ‘Yun lang pala.
Ikalawang Tagapagtanong: Di mo sinabi agad. (Pupulutin niya ang malaking aklat mula sa sahig)
Unang Tagapagtanong: Sigaw ka lang nang sigaw diyan. (titindig ang dalawang tagapagtanong sa plataporma, bubuksan ng Unang Tagapagtanong ang malaking aklat, at hahanap ng pahinang mababasa ang dalawang Tagapagtanong)
Ikalawang Tagapagtanong: Ang krimen ni Mang Serapio.

Dalawang Tagapagtanong:
Ang buhay ng tao’y lansangan ng hirap;
ang mundo’y daigdig ng kirot at dahas.
Pagsasala’y sakit ng ating pagkatao,
Pag-aaruga ng bata ang krimen ni Mang Serapio.
Krimen mo mang Serapio!

Unang Tagapagtanong: At wika pa sa aming aklat:
Dalawang Tagapagtanong:
Bawal mag-aruga ng bata o asawa,
ang taunang kita’y nawawalan ng pera.
Unang Tagapagtanong: Ginagasta mo ang pera ng federacion para sa isang bata.
Ikalawang Tagapagtanong: Magpabulag ka na nang makauwi na tayo nang maaga.
Serapio: Ngunit wala naman akong batang inaaruga, a. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ano?
Serapio: Wala akong batang inaaruga. (Sandaling tigil)
Ikalawang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, huwag ka nang magsinungaling.
Serapio: Hindi ako nagsisinungaling.
Unang Tagapagtanong: Huwag mong lokohin itong Hukuman.
Serapio: Wala akong niloloko.
Hukom: Ang parusa sa pagbubulaan sa Hukuman ay pagpipi.
Serapio: Sinasabi ko ang katotohanan. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Kaaamin mo lang na may anak ka.
Ikalawang Tagapagtanong: Narinig kita. Narinig ka naming lahat.
Unang Tagapagtanong: At itong anak mo’y isang babae.

Ikalawang Tagapagtanong: Ikaw mismo ang nagsabi.
Unang Tagapagtanong: Ang pangalan pa nga ay Sol.
Ikalawang Tagapagtanong: Sinabi mo ‘yan! Sinabi mo!
Unang Tagapagtanong: Hindi ba inaaruga mo siya?
Serapio: Si Sol ay patay na. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ha?
Hukom: Patay na siya? Si Sol, patay na?
Serapio: Tatlong taon nang patay. Sinagasaan ng dyip. Patay na siya. Patay.
Unang Tagapagtanong: Tunay na malungkot ang iyong kuwento. Pinipiga mo ang aming puso.
Ikalawang Tagapagtanong: Walang alinlangang mahusay ka sa sining ng pangbobola.
Serapio: Patay na siya!
Unang Tagapagtanong: Magsalaysay ka sana ng kuwentong higit na kapani-paniwala kaysa riyan.
Serapio: Totoo ang sinasabi ko! (Sandaling tigil)
Ikalawang Tagapagtanong: Totoo ha? May tatlong saksi kami ginoo,tatlong saksi na nanubok sa’yo, araw, gabi.
Unang Tagapagtanong: Dalawang linggo silang nagbantay.
Ikalawang Tagapagtanong: Mga saksi sila sa krimen mo.
Serapio: Nagsisinungaling sila! Wala akong batang inaaruga.
Unang Tagapagtanong: Titignan natin.
Ikalawang Tagapagtanong: Lalabas din ang katotohanan.
Unang Tagapagtanong: Kung sila ang nagsisinungaling, sila ang paparusahan, ngunit kung ikaw ang sinungaling – (Sa mga Pulubi) Pumaritosa harap ang tatlong saksi. (Titindig ang tatlong saksi)
Hukom: (Sa tatlong saksi) Kayo na naman?
Unang Saksi: Oho.
Hukom: Kayo na lang palagi ang nagpapabulag sa iba.
Ikalawang Saksi: Talagang ganyan ho ang buhay.
Ikatlong Saksi: Manananggol lang ho kami ng kalinisan nitong federacion.
Unang Saksi: Mga taga-patnubay ng kabutihan nitong lipunan.

Hukom: Kayo ba ang unang nagsumbong ng kanyang krimen?
Unang Saksi: Oho.
Hukom: (Sa mga manonood) Pues, ayon ho sa batas ng aming federacion, kung mapapatunayan nila ang krimen ng nasasakdal, kanila ang lahat ng kasangkapan ni Ginoong Serapio at diyes porsyento ng kanyang kinikita. (Lalakad ang tatlong saksi sa plataporma. Dadaluhungin kaagad ni Serapio ang Ikalawang Tagapagtanong)

Serapio: Buwaya!
Unang Tagapagtanong: (Sa mga Bantay) hawakan ninyo siya! (Hahawakan ng mga Bantay si Serapio at hihilahin sa sulok ng acting area sa gawing kaliwa ng lugar ng mga Pulubi. Titindig ang mga saksi sa plataporma.)Bawal ditto ang kumilos nang ganyan. Igalang mo itong hukuman ginoo. (Sandling tigil) (Sa Saksi)Ngayon, mga ginoo nitong marangal na federacion, sabihin ninyo sa amin ang inyong nakita kagabi.
Tatlong Saksi: Nakita namin siya, papauwing may dalang mamantikang supot sa kilikili niya, at susulyap-sulyap sa kana’t kaliwa, takot wari ko na makita siya.
Dalawang Tagapagtanong: Takot sa waring makita siya.
Tatlong Saksi: Sinundan naming siya hanggang sa bahay niya, nagsitago kami’t narinig namin siya. Heto na, Sol, kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula.
Dalawang tagapagtanong: Heto na, Sol, kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula.
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, pinagbibintangan kita ng krimen ng pag-aaruga ng bata. Bubulagin ka ngayon din!
Serapio: ‘yan ba ang inyong katibayan?
Ikalawang Tagapagtanong: Oo, masaya na kami.
Serapio: Kulang pa ‘yang katibayan n’yo.
Unang Tagapagtanong: At ano ang kakulangan?
Serapio: Si Sol, ang aking ‘”buhay” na anak. Mga tanga ang espiya ninyo!
Unang Tagapagtanong: Huwag kang magsalita nang ganyan sa harap namin.
Ikalawang Tagapagtanong: Kami’y mga opisyal nitong Hukuman.
Serapio: Akala ninyo ay nahuli na ninyo ako, ano? Akala ninyo! (Sa tatlong saksi) May isa ba sa inyong nakakita sa “buhay” na anak ko? Wala!

Ikalawang Tagapagtanong: Wala ba sa inyong nakakita sa anak niya?
Unang saksi: Narinig naman naming siyang nagsalita sa anak niya, gabi-gabi, sa buong linggong nanubok kami. (Bibigkasin nang sabayang sumusunod na talumpati. Lalapitan at kakausapin si Serapio isa-isa ang mga manonood.) At kaya namin alam na alam ang mga sinabi niya ay sapagkat -
Serapio: Nagsisinungaling silang lahat! Nagsisinungaling silang lahat! Nagsisinungaling silang lahat!
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio!
Unang Saksi: Sapagkat gabi-gabi sa isang takdang oras au naririnig namin siyang paulit-ulit na nagsasabing, “Heto na, Sol, kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula,” at inuulit niya ito gabi-gabi.
Serapio: Nagsisinungaling sila! Nagsisinungaling sila nang maging kanila lahat ang mga kasangkapan ko!

Ikalawang Tagapagtanong: Ngunit nakita ba ninyo ang anak niya?
Tatlong Saksi: Hindi.
Serapio: Ha!
Ikalawang Tagapagtanong: Kung nagsisinungaling kayo mapipipi kayo, mapipipi kayo!
Unang Saksi: (Kay Serapio) Narinig ka naming nagsalita sa anak mo!
Serapio: Kung talagang buhay ang anak ko, dalhin n’yo siya rito! Dudustain pa ninyo ang alaala niya. Kailangan ba kayong makialam sa buhay ng may buhay?
Unang Tagapagtanong: Husto na ‘yan, ginoo!
Serapio: Dalhin n’yo rito ang anak ko, kung buhay pa siya! At bulagin n’yo ako.
Unang Tagapagtanong: Kami’y nagpadala na, ginoo, kanina pa, ng dalawang kasapi nitong federacion sa iyong barung-barong upang agawin ang anak mo sa karaniwang oras ng pag-uwi mo. Nakabalik na sila. (Sa mga bantay) Nasaan sila? (Titindig ang dalawang Pilay)
Ikalawang Tagapagtanong: O ano? Nasaan ang bata?
Unang Pilay: Wala.
Unang Tagapagtanong: Anong wala? Hindi ba kayo pumunta sa bahay niya?
Unang Pilay: Oho.
Ikalawang Tagapagtanong: Hindi ninyo nahuli ang anak?
Ikalawang Pilay: Wala hong bata roon.
Unang Tagapagtanong: Kung nagsisinungaling ka- (Hahampasin ang dalawang Pilay ng kanyang baston. Susukot ang mga Pilay)
Unang Pilay: Hindi ho.
Ikalawang Pilay: Wala ho kaming nakita. Wala ho.
Unang Pilay: Kundi isang baul.
Ikalawang Pilay: Itong baul ho, o. (Kakaladkarin nila ang baul sa hilagang gilid ng acting area.) (Katahimikan)
Ikalawang Tagapagtanong: Saan ninyo ito nakita?
Unang Pilay: Sa barung-barong niya.
Unang Tagapagtanong: Sa barung-barong niya.
Ikalawang Pilay: Sa isang sulok, ho.

Unang Pilay: Nakatago sa ilalim ng mga lumang sako.
Unang Tagapagtanong: Lumang sako. At hindi n’yo pa ito nabubuksan?
Unang Pilay: Hindi pa ho.
Ikalawang Pilay: Nakakandado ho.
Ikalawang Tagapagtanong: Nakakandado. (Sandaling tigil) Buksan ninyo ang baul. (Pupukpukin ng Pilay ng martilyo nang dalawang beses ang kandado ng baul)
Serapio: Wala ‘yang laman! Wala ‘yang laman! Isang lumang baul na nakita ko lang sa basurahan.
Unang Tagapagtanong: Ba’t mo tinatago Ginoong Serapio?
Serapio: Wala. Ginagamit ko sa bahay bilang upuan.
Ikalawang Tagapagtanong: At bakit nakakandado?
Serapio: nakakandado na ‘yan nang makita ko.
Unang Tagapagtanong: Nagsisinungaling ka, Ginoong Serapio. Bagung-bago ang kandado. Wala ni isang bakas ng kalawang. Ikaw ang nagkandado nitong baul.
Serapio: Nakakandado na ‘yan nang nakita ko!
Unang Tagapagtanong: Kung ganoon, Ginoong Serapio, hindi mo daramdamin ang pagbukas naming rito. (Sa Pilay) Buksan ang baul. (Dalawang hampas ng martilyo)
Serapio: Hindi! Huwag.
Ikalawang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, pinagpapawisan ka.

Serapio: Wala ‘yang laman.
Unang Tagapagtanong: Bakit mo alam, Ginoong Serapio? Nagsinungaling ka kanina. Nabuksan mo na itong baul.
Serapio: Hindi!
Unang Tagapagtanong: Hala! Buksan mo! (Talong hampas ng martilyo)
Serapio: Huwag!
Ikalawang Tagapagtanong: Bakit, Ginoong Serapio?
Serapio: Akin ‘yang baul.
Unang Tagapagtanong: Inamin mo rin.
Serapio: Huwag ninyong buksan ‘yan.
Ikalawang Tagapagtanong: Bakit? May itinatago ka ba sa amin?
Serapio: Balewala sa inyo ang laman niyan.
Unang Tagapagtanong: titignan natin. Ituloy ang pagbukas. (Apat na hampas ng martilyo)
Serapio: Hindi n’yo dapat pakialaman ’yan! Kailangan ba kayong makialam sa buhay ng may buhay?
Unang Tagapagtanong: Sasabihin ko sa’yo kung ano ang malalahad pagbukas namin nito! Katibayan ng krimen mo!
Serapio: Wala kayong matutuklasan diyan. (Uulitin niya ang linyang ito habangnagsasalita ang unamg Tagapagtanong)
Ikalawang Tagapagtanong: Ano ang tinatago mo riyan? Ang mga damit ng anak mo? Ang mga laruan niya? Ituloy ang pagbukas! (Patuloy ang mga hampas ng martilyo habang nagsasalita ang Unang Tagapatanong at si Serapio)
Serapio: Huwag!
Unang Tagapagtanong: Wala kang kapangyarihan sa Hukuman ito, ginoo!
Serapio: Ngunit, akin ‘yang baul!
Ikalawang Tagapagtanong: E, ano? E, ano?
Serapio: Huwag ninyong buksan ‘yan!
Unang Tagapagtanong: Pigilin mo kami! Pigilin mo kami!
Serapio: Papatayin ko kayo! Papatayin ko kayo!

Ikalawang Tagapagtanong: (Sa mga Bantay) Hawakan ninyo siya!
Serapio: Ibubunyag ko kayo sa pulis! (Hihinto ang pagmamartilyo) Ibubunyag ko kayo sa pulis! Ibubunyag ko kayo at ang inyong kalupitan! Ibubunyag ko ang inyong pandaraya sa madla! Ibubunyag ko ang inyong pagmamalupit sa aming lahat; ibubunyag ko ang inyong sadyang pagpapabaya sa mga matatandang kasapi! Ibubunyag ko itong federacion sa pulis! (Katahimikan)
Hukom: (Hahampasin ng Hukom ang kanyang podium) Walang makakatulong sa’yo, Ginoong Serpio, wala! (Kakaladkarin si Serapio ng mga Bantay sa patimog-silangang sulok ng acting area. Lumupagi si Serapio.) Ni ang pulis, ang pahayagan, kahit sino man sa mundong ito. Ang mga hiyaw mo’y di maririnig; ang bawat kilos mo’y mabibigo, walang papansin sa’yo. Dumaing ka pa, at bukas makalawa, matatagpuan ang iyong magang katawan sa mga itim na bulaklak ng Pasig. (sa mga pulubi) Tandaan ninyo ‘yan! May kuwarenta pesos kayong dapat ibigay sa federacion araw-araw. At ibibigay niyo ang perang iyan sa amin. At kapag hindi, kung kayo’y nakakakita, pipitasin namin ang inyong mga mata; kung kayo’y nakakapagsalita, puputulin namin ang inyong mga dila; at kung kayo’y nakakalakad, babasagin naming ang inyong mga buto; at kung di pa rin ninyo susundin ang batas na ito, ang bawat daliri ninyo’y isa-isang tatanggalin. Malungkot nga ang buhay sa federaciong ito, ngunit kasapi na kayo hanggang kamatayan. Kamatayan lamang ang makapaliligtas sa’yo kapag sumali ka sa federciong ito. Buksan ang baul!
(Patuloy na naman ang pagmamartilyo habang nagsasalita si Serapio. Dapat lunurin ng mga hampas ng martilyo ang karamihan ng mga salita ng talumpati ni Serapio).
Serapio: Bale wala sa inyo ang laman niyan. Bale wala. Huwag na ninyong buksan. Balewala sa inyo ang laman niyan. (sandaling tigil) Hindi naman ninyo mauunawaan. Hindi naman ninyo mauunawaan. Kung tangkain kong magpaliwanag, kung tangkain kong sabihin sa inyo kung bakit, hindi naman ninyo mauunawaan. Pagtatawanan lamang ninyo ako. Anong masasabi ko sa inyo? (Sandaling tigil) Nabubulok na kamay, nabubulok na balat, nabubulok na laman, nabubulok na ugat, nabubulok na buto. (Masisira ang kandado; Katahimikan.) (Sisilip ang dalawang Tagapagtanong sa baul. Titindig ang ilang Pulubi. Itataas ng unang tagapagtanong ang isang manika.)
Unang Tagapagtanong: Manika? (tatakbo si Serapio at aagawin at hahagkan ang manika)
Serapio: Sol! Sol!
Ikalawang Tagapagtanong: Si Sol! (magtatawanan ang mga pulubi)
(Patuloy ang tawanan ng mga pulubi habang nagsasalita si Serapio. Dapat lunurin ng tanawin ang mga linya ni Serapio.)
Serapio: Sol! Sol! Anak. Anak. Sol. Anak. Ang buwan. Ang bituin. Ang langit. Sol. Sol. Anak. Ang bituin. Ang hangin. Sol. Ang langit. Hangin. Sol ko. Anak. Diwa. Imahen. Kristal at buhay. Buhay. Buhay. Sol. Anak ko. (Hihina ang tawanan ng mga Pulubi. Titigan ng buong korte si Serapio.) Larawan ni Consuelo. Sol na anak ni Sol. Sol. Kristal at diwa. (Tahimik ang buong korte.) Diwa. Diwa. Ang buwan. Ang bituin. Ang langit. Ang hangin. Ang sinag. (Mapapansin ng Unang Tagapagtanong ang mga mukha ng mga Pulubi.) Ang araw. Sol! Ang araw! Sol! Ang araw! Son na anak ni Sol! Consuelo. Anh jangin…ang araw…sol(Aagawin ng unang tagapagtanong ang manika.)
Ikalawang Tagapagtanong: (Matinis) Tatay ka ng trapo? (Tatawa ng malakas ang mga Pulubi. Matinis ang tawanan nila.)

Serapio: Bitiwan mo siya. Bitiwan mo siya.
Unang Tagpagtanong: Ginagasta mo ang pera ng federacion para rito?

Serapio: Pabayaan mo ako! Huwag mo akong pakialaman!
Ikalawang Tagpagtanong: Isang pamahid sa tae ng kabayo! (Matinis na tawanan muli.)
Serapio: Ang anak ko ay maganda! At buhay. Buhay. Ang anak ko ay buhay at ang kagandahan ng araw.
Unang Tagpagtanong: Kapok! (Hahagutin niya ang manika; katahimikan; Biglang lulundag si Serapio sa Tagapagtanong.)
Serapio: Bitiwan mo siya! (Tatakbo ang TAGAPAGTANONG sa kanyang mesa’t ihahagis ang manika sa mga Pulubi.)
Unang Tagapagtanong: Kunin mo siya! (Sisigaw ang mga Pulubi’t sasaluhin ang manika sa iba’t ibang sulok ng silid habang nagsisigaw at nagsisitawiran. Hahabulin naman ni Serapio ang manika. Mahahagis ang manika sa sahig, ngunit bago mapulot ni Serapio ang manika, sisigaw ang Unang Tagapagtanong.)
Bulagin natin siya! Bulagin! (Uulitin ng mga Pulubi ang sigaw…Kakaladkarin nila si Serapio sa plataporma. Lahat sila’y nagsisigaw at nagtatawanan. Biglang maririnig ng mga manonood ang hiyaw ng binulag na Serapio. Biglang tatahimik ang mga Pulubi’t lalayo kay Serapio. Babangon si Serapio.Duguan ang kanyang mukha. Duguan din ang mga kamay ng ilang mga Pulubi; gayundin ang kanilang mga damit. Walang-imik ang mga Pulubi’t si Serapio. Susuray-suray na lalakad si Serapio. Mararapa siya’t gagapang. Aapuhapin niya ang manika. Biglang lalabas ang mga Pulubi maliban sa tatlo. Papalibutan nila si Serapio kasama ng mga tagapagtanong. Mahihipo ni Serapio ang manika, ngunit bago niya makuha ito, sisipain ng isang pulubi ang manika sa Pulubing nasa likod ni Serapio. Uulitin itong laro ng Hipo-Sipa. Biglang titigil ang mga Pulubi’t Tagapagtanong. Lalabas ang mga Pulubi. Aakapin ni Serapio ang manika. Wala siyang imik.)
Guwardiya! Ilabas mo nga siya. (Kakaladkarin ng mga guwardiya si Serapio sa labas ng silid. Aayusin ng mga Tagapagtanong ang kanilang mga kasangkapan.)
Hukom: Paminsan-minsan na lang itong mga paglilitis.
Ikalawang Tagapagtanong: Oo nga eh. Di tulad ng dati.
Hukom: Kelan pa ang susunod?
Ikalawang Tagapagtanong: Marso pa.
Hukom: Isa pang buwan. (Lalabas ang Hukom at Ikalawang Tagapagtanong; Katahmikan.)
Unang Tagapagtanong: (Sa mga manonood) Umaasa kami na nauunawaan ninyo kung bakit kami napilitang parusahan si G. Serapio. Tinuturuan niya ang mga kasaping magkaroon ng mga haraya, ng mga pangarap, na di naman matutupad at dadagdag lamang sa kanilang lumbay. Ang ginawa niya’y nakasisira sa mga kasapi nitong federacion. Tinutulungan lang naming sila nang parusahan namin si G. Serapio. Sinusunod lamang naming ang mga batas nitong federacion. Ang ano mang federacion ay nangangailangan ng kaayusan ng mga batas. Ang maninira nitong kaayusan ay mapanganib. Ang ginawa ni Mang Serapio’y salungat sa aming mga batas. Ang ginawa niya’y pulos malisya. Ipinagtanggol lang naming ang aming kapwa tao. Ito’y dapat ninyong lubos na maunawaan, lubos na maunawaan. (Katahimikan.)
Nakita ninyo sila – isa-isang nagsialisan. Babalik din sila. Babalik.
Alam niyo, nagkamali si G. Serapio nang sinabi niyang kami’y sadyang pabaya sa mga matatandang kasapi. Ang mga matatandang kasapi, ang mga matatandang pulubi, ang siya mismong ayaw mabuhay. Pilitin mo man sila, ayaw nilang kumain, umiinom lang ng kaunting tubig araw-araw, sapagkat wala silang makita kundi karimlan sa langit at hinihintay na lang nila ang pagdapo ni Kamatayan sa kanilang durungawan. (Sandaling tigil.)
Bali-bali na an gaming pakpak. Wala sa amin ang lakas upang liparin ang napakataas na pader na kongkreto. Marahil ay ibinitin na nga ni Mang Serapio sa harap naming ang susi sa aming piitan, ngunit napakahirap hiwain ang sarili’t ilahad ang pag-ibig. Ang balon ay malalim, at sa kailaliman ang nasang lumipad at hanapin ang sinag ng araw, ngunit ang gula-gulanit na diwa’y mahinang wumawagayway lamang. (Lalabas siya.)